Hiwalay na stimulus package para sa education sector, hiniling ng Kamara

Iginiit ni Nueva Ecija Representative Estrellita Suansing ang pagkakaroon ng hiwalay na stimulus package para sa sektor ng edukasyon.

Sa virtual meeting ng Committee on Higher and Technical Education ay sinabi ni Suansing na tila nakalimutan sa isinusulong na stimulus package ng Kamara na mabigyan ng ayuda ang mga educational institutions na apektado rin ng COVID-19.

Suportado naman ni CHED Chairperson Prospero De Vera ang pagkakaroon ng stimulus package para sa education sector lalo pa at hindi naman kasama sa ayuda ng DOLE at DSWD ang mga empleyado ng state universities and colleges at iba pang learning institutions.


Higit din aniyang apektado ng COVID-19 ang mga part-time teaching staff at mga contractual employees na kung walang trabaho ay wala ring sasahurin.

Lumiham at umapela din ang CHED sa Department of Budget and Management (DBM) na irekonsidera ang desisyon na huwag nang bawasan sa mga ahensya ng pamahlaan ang 35% na programmed appropriations sa 2020 national budget.

Paliwanag ni De Vera matatamaan dito ang implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act dahil sa maintenance and other operating expenses (MOOE) kinukuha ng institusyon ang ginagastos para sa libreng matrikula sa mga SUCs.

Bukod dito, maging ang mga “for later release” tulad ng ni-realign na pondo ng Kongreso para sa CHED ay hindi na ilalabas para gamitin din sa COVID-19 response kaya tiyak na maapektuhan ang operasyon ng mga SUCs, kabilang na ang pasahod sa mga guro at part-time employees.

Facebook Comments