Manila, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ang House Bill 6779 o ‘An Act Recognizing the Civil Effects of Church Annulment Decrees’ kung saan kikilalanin na ang lahat ng church-decreed annulment sa bansa.
Ibig sabihin, magkakaroon na ng kaparehong epekto sa batas ng bansa ang paghihiwalay ng mag-asawa na inaprubahan ng anumang simbahan o relihiyon.
Ayon kay Leyte Representative Yedda Marie Romualdez, aalisin ng nasabing panukala ang pasanin at hirap ng mga mag-asawang nais maghiwalay kung saan bibigyan ng kaparehong bigat sa civil annulment o mga inaprubahan ng korte ang declaration of nullity o pagpapawalang bisa ng kasal sa simbahan.
Nilinaw ni Romualdez na pinapahalagahan niya ang pagiging sagrado ng kasal sa simbahan pero hindi maitatanggi na maraming mag-asawa ang talagang hindi na maayos ang pagsasama.
Ang panukala ay kaugnay na rin sa nais ng Santo Papa na maging simple ang annulment procedure sa Simbahang Katolika.
Kapag naging batas ang panukala masisiguro na ang mga mag-asawa na nasa difficult marital situation ay mabibigyan ng mas efficient at affordable na paraan ng annulment process.