Hoarding ng mga container sa mga port yard, kinumpirma ng PPA

Aminado ang Philippine Ports Authority (PPA) na nagkakaroon ng “hoarding” ng mga container sa port yard ng Manila.

Ayon kay PPA General Manager Atty. Jay Santiago, may 700 na araw nang nakatengga ang mga container sa kanilang mga terminal kahit pa aprubado na ang mga ito ng Bureau of Customs (BOC) para agad na mailabas.

Aniya, sadyang pinatatatagal ng forwarders o ng importers ang nakaistambay ang 40-foot containers sa port yard ng PPA kung saan tila ginagawa nang warehouse ang terminal.


Giit ni Santiago, mas mura ang kanilang singil pero pinapayagang lamang nila na manatili ang mga containers ng tatlong (3) araw na free storage na itinakda ng ahensiya.

Ilan sa laman ng mga containers ay agricultural products na nakatengga sa terminal at saka lamang ito ilalabas kapag nagtaasan na ang presyo sa merkado kaya sumisikip ang yard utilization ng PPA.

Nilinaw pa ni Santiago na tuwing Christmas season ay umaabot sa 84% ang nagagamit na lugar para sa mga container at natural lamang na magkakaroon ng pagsisikip pero manageable naman daw ito dahil sa seasonal lamang.

Sinabi pa ni Santiago na hindi magkakaroon ng problema sa yard utilization kahit ito ay abutin pa ng 92 percent, ang importante ay ang consistency ng gate-out o paglabas ng mga kargamento at hindi tumatagal sa terminal.

Ang ilan sa mga problema ng congestion ay ang clearance sa customs, sa Department of Agriculture (DA) o kaya sa Bureau of Quarantine (BOQ) o maaaring sa mga ahensiya na nagpapahintulot na makapasok ang kargamento sa port terminal.

Facebook Comments