Ikinakabahala ng MAKABAYAN Bloc na mauuwi sa hokus pokus ang mabilis na pagapruba sa pambansang pondo sa 2020 ngayong araw.
Ito ay kasunod na rin ng sertipikasyon ng Pangulo sa 2020 budget kung saan maaari na itong maaprubahan agad sa ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, binubuksan lamang nito ang “floodgates” para makapagsingit ng pondo at items sa budget.
Lalo aniyang mawawalan ng transparency sa pambansang pondo dahil hindi nila makikita kung ano ang mga amendments dito.
Giit ni ACT Teachers Rep. France Castro, hindi naman simpleng panukala ang 2020 General Appropriations Bill dahil kinabukasan ng bayan ang nakasalalay dito.
Tinawag naman ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na kung may “power of the purse” ang Kamara, may “power of the maleta” naman ang Malakanyang dahil sila ang talagang kumokontrol sa pondo ng bansa.