Ipinag-utos na ng Department of Justice (DOJ) sa mga prosecutors na humirit ng Hold Departure Orders laban sa siyam na sinibak na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na army intelligence officers sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, naghain na ang prosecutors nitong January 4 ng kasong murder at planting of evidence laban sa siyam na dismissed cops sa Sulu Regional Trial Court.
Ang korte ay maglalabas dapat ng warrant of arrest ngunit hindi ito nagawa dahil naka-lockdown ang Sulu.
Una nang inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na dismayado si Chief of Staff General Gilbert Gapay sa desisyon ng Philippine National Police (PNP) na palayain sa kanilang kustodiya ang mga akusadong pulis.
Ang mga inaakusahang pulis ay sina: Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, Master Sgt. Hanie Baddiri, Staff Sgts. Iskandar Susulan at Ernisar Sappal, Corporal Sulki Andaki, Patrolman Mohammad Nur Pasani, lahat ay mula sa Jolo Municipal Police Station.
Kasama rin sina Staff Sgt. Almudzrin Hadjaruddin, Patrolmen Alkajal Mandangan at Rajiv Putalan ng Sulu Provincial Drug Enforcement Unit.
Ang mga pulis ay sangkot sa pagpatay at pagtatanim ng ebidensya sa mga nasawing sundalong sina Major Marvin Indammog, Captain Irwwin Managuelod, Sgt. Jaime Velasco at Cpl. Abdal Asula.