Holdaper, patay matapos makipagbarilan sa mga pulis

Manila, Philippines – Agad na nasawi ang isang hinihinalang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa lungsod ng Parañaque.

Inaalam pa rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek na nakasuot ng itim na t-shirt, gray na short pants at tsinelas.

Ayon kay Chief of Police Col. Jemar Modequillo, naganap ang insidente pasado ala-una ng madaling araw sa Mactan Street kanto ng T. Claudio sa Brgy. Baclaran ng naturang lungsod.


Sa paunang imbestigasyon, nag-aabang lang ng masasakyan patungong Cavite ang isang hindi pinangalanang babae nang tutukan ng baril ng suspek at sapilitang kinuha ang dala nitong bag.

Nagkataon namang may mga rumorondang pulis sa lugar kaya’t nakahingi ng saklolo ang biktima.

Nagkaroon ng habulan at namataan ang suspek sa may Roxas Blvd.
Dito na nakipagbarilan ang holdaper sa mga pulis sa Mactan Street na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.

DZXL558, Mike Goyagoy

Facebook Comments