Manila, Philippines – Target ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na linisin ang mga kalsada ng Metro Manila mula sa mga pulubi lalo na ngayong holiday season.
Ayon kay NCRPO Director Guillermo Eleazar – nakatatanggap sila ng mga ulat na nagsiluwasan muli sa Kamaynilaan ang malaking bilang ng mga Aeta at Badjao para mag-ikot sa mga kalsada para manglimos.
Ani Eleazar – ang mga ganito ay lalo lang nagpapalala ng trapiko sa Metro Manila.
Dagdag pa ng NCRPO chief na may mga sumbong din silang natatanggap na binabasag ang mga side mirror ng sasakyan kapag hindi binigyan ng limos.
Nilinaw naman ni Eleazar na hindi ito crackdown sa mga mahihirap at ipinatutupad lamang nila ang Presidential Decree 1563 o Anti-Mendicancy Law.
Nakikipag-coordinate na ang NCRPO sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kustodiya ng mga nanlilimos o tulungan silang makabalik sa kani-kanilang probinsya.
Hihingi na rin ng tulong ang NCRPO sa mga barangay officials para rito.
Sa impormasyon ng NCRPO, karamihan sa mga nanlilimos ay naglalagi sa Maynila at Quezon City.