Holidays sa bansa, pinababawasan

Pinapalimitahan ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay Rep. Joey Salceda ang mga holidays sa bansa.

 

Sa ilalim ng inihaing House Bill 5032 ni Salceda, inaamyendahan nito ang Section 26, Chapter 7, Book 1 ng Executive Order 292 o Administrative Code of 1987 na layong i-rationalize ang mga holidays sa Pilipinas.

 

Layunin din nitong maitaas ang productivity at competitiveness ng bansa dahil malaki ang kita na nawawala sa dami ng holidays dagdag pa ang mga kalamidad na tumatama sa Pilipinas.


 

Ayon kay Salceda, ang bansa ang may pinakamaraming pinagdiriwang o ginugunita na holidays na nasa 21 hanggang 25 kada taon kumpara sa average na 15 holidays lamang kada taon sa ibang mga ASEAN countries.

 

Sa ilalim ng panukala, lilimitahan na sa siyam ang regular holidays na non-working days.

 

Ang mga regular holidays ay Bagong Taon, Good Friday (movable date), Eid’l Fitr (movable date), Labor Day, Independence Day, All Saint’s Day, Bonifacio Day, Pasko at Rizal Day.

 

Samantala, may pito namang special days na working days na maaaring mapagkasunduan ng mga employers at employees na gunitain batay sa kanilang kultura, relihiyon at paniniwala.

 

Kabilang sa mga special days ang Chinese New Year, EDSA People Power Revolution, Founding Anniversary ng Iglesia ni Cristo, at kapanganakan ni Birheng Maria.

 

Mayroon ding 2 local holidays tulad ng foundation at fiesta sa syudad at probinsya.

 

Sa kabuuan ay may 18 regular holidays, local holidays at special days na gugunitain sa bansa.

 

Nakasaad din sa panukala na kapag pumatak ng Miyerkules o Lunes ang regular holiday o special day ay maaari itong iurong ng Lunes para sa long weekend.

Facebook Comments