Isinusulong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na gawing holistic at inclusive ang Anti-Discrimination Bill.
Kasabay ng paggiit nito ang paliwanag din ni Villanueva sa kanyang naging pahayag na walang ‘sense of urgency’ para agad na maipasa ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression and Sex Characteristic (SOGIE) Equality Bill matapos siyang sagutin ni Senator Risa Hontiveros na isang ‘sheer numbness’ o sobrang manhid ang kanyang mga sinabi.
Binigyang-diin ni Villanueva, na hindi siya tutol sa pagbibigay ng ‘equal protection’ sa mga kabilang sa LGBTQ+ community kaya nga isinusulong niya na gawing holistic at inclusive ang anti-discrimination bill upang lahat ng sektor ay sakop at hindi lamang ito nakatuon sa iisang grupo.
Katunayan pa aniya ay mahal niya ang LGBTQ+ community sabay banggit sa ilang mga personalidad na kabilang dito na malapit sa kanya kaya kalokohan aniya ang paggiit na siya ay anti-LGBT.
Tanong pa ng senador, sino ba naman ang gustong ma-discriminate sabay giit na ang diskriminasyon ay ‘pure evil’ o purong kasamaan.
Ito aniya ang dahilan kaya mas makabubuti kung ang panukala para sa karapatan at paglaban sa diskriminasyon ay ibibigay para sa lahat ng sektor.