HOLY WEEK MESSAGE | P-Duterte at VP Robredo, kapwa nagpaabot ng kani-kanilang mensahe sa publiko ngayong Semana Santa

Manila, Philippines – Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Semana Santa na pagtibayin pa ang pananampalataya at pagpapabuti ng ugnayan sa poong maykapal at sa kapwa.

Sa mensahe ng Pangulo, kasabay ng taimtim na pagninilay ay dapat pagyabungin ang mga tradisyon at kaugalian bilang mga nananalig sa Diyos.

Isabuhay din aniya ang diwa ng pagsasakripisyo, pagmamalasakit at pagmamahal.


Panawagan pa ng Punong Ehekutibo na magkaisa sa pagbuo at pagpapatatag ng isang lipunang disente at may maginhawang pamumuhay.

Sa huli, hangad ng Pangulo ang makabuluhang panahon ng Kwaresma para sa lahat ng Pilipino.

Nanawagan din si Vice President Leni Robredo ngayong Semana Santa na pagnilayan ang mga mahahalaga sa ating buhay.

Sa mensahe ng Bise Presidente, dapat lamang na magdahan-dahan at isaisip ang mga mahahalagang bagay dahil madalas na itong nakakalimutan sa pang-ara-araw na gawa.

Napapanahon din aniya para humingi ng tawad sa Diyos at magbago hindi lang para sa mga Kristiyano kundi maging sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Sa ngayon, hindi binanggit ni Robredo ang kanyang plano ngayong Mahal na Araw.

Facebook Comments