Home births sa gitna ng pandemya, isinusulong ng isang kongresista

Iminungkahi ni Assistant Majority Leader Juan Fidel Nograles na magkaroon ng polisiya ang Department of Health (DOH) at mga Local Government Unit (LGU) kaugnay sa ligtas na panganganak sa bahay o home births.

Para kay Nograles, dahil marami ang natatakot na pumunta ng ospital at baka mahawaan ng COVID-19, ang pagpayag sa mga ina na manganak na lamang sa bahay ang solusyon na nakikita ng kongresista.

Aniya, batay sa University of the Philippines-Population Institute at United Nations Population Fund, ngayong taon ay inaasahang maipapanganak ang nasa 214,000 na mga sanggol.


Sa tingin pa ng kongresista, ang ‘no home birth policy’ na ipinatutupad sa mga LGU sa buong bansa ay nag-aalis sa karapatan ng mga kababaihan na makapamili.

Maaari aniyang isang epektibong pamamaraan ang ‘home births’ sa mga kababaihang hirap na maka-access sa mga ospital at ibang health-care facilities gayundin ay mapoproteksyunan din ang mga ina at mga sanggol laban sa banta ng pandemya.

Punto pa ni Nograles, nauunawaan niya ang intensyon ng ‘no home birth policy’ na mabawasan ang maternal deaths ngunit mahalagang ikonsidera din ng gobyerno ang opsyon para sa pagkakaroon ng ligtas na panganganak sa bahay bilang alternatibo sa mga inang takot na magpunta sa mga ospital.

Facebook Comments