HOME SERVICE VOTERS REGISTRATION, INILAPIT NG COMELEC SA MGA PWD SA DAGUPAN

Upang mas mapadali at maging mas abot-kamay ang pagpaparehistro ng botante, muling nagsagawa ang Commission on Elections (COMELEC) Dagupan ng home service voters’ registration para sa mga persons with special needs noong Martes, Enero 6.

Isa sa mga binisita ng COMELEC ay si Tatay Lolito Fernandez, 60 anyos, mula sa Barangay Galvan, kung saan personal na isinagawa sa kanyang tahanan ang proseso ng pagpaparehistro at pag-transfer para sa nalalapit na eleksyon.

Ayon sa kanya, dahil sa kanyang karamdaman ay hirap na siyang bumiyahe upang personal na magparehistro, kaya’t malaking tulong ang inihatid na serbisyo ng COMELEC.

Sa panayam ng IFM Dagupan, ipinaliwanag ng COMELEC na matagal na nilang ipinatutupad ang home service voters’ registration, na sinimulan pa noong panahon ng pandemya, upang mas maging accessible ang proseso ng pagpaparehistro para sa mga Persons with Disabilities (PWDs).

Dagdag pa ng ahensya, pinapayagan ang mga lehitimong assistors na tumulong sa mga PWD alinsunod sa umiiral na mga patakaran sa halalan.

Hinikayat din ng COMELEC ang mga PWD at ang kanilang mga katuwang na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa voters’ registration at iba pang serbisyong may kaugnayan sa halalan.

Facebook Comments