Pinakakasuhan na ng DOJ Panel of Persecutors ng anim na counts ng homicide sina Ozamis City Police Chief Inspector Jovie Espinido at ang mga tauhan nito kaugnay ng pagkamatay ng ilang residente ng Ozamis City matapos pagbabarilin sa isang birthday party.
Ayon sa DOJ panel, may sapat na dahilan para sampahan ng kasong homicide sa korte sina Espenido, PCI Glyndo Pujanes, SPO4 Renato Martir Jr., PO1 Sandra Nadayag at iba pang John Does.
Una nang nagsampa ng reklamo sa DOJ ang isang Carmelita Manzano, matapos mapatay ng Ozamis PNP sa pangunguna ni Espenido ang mga hinihinalang suspek na sina Francisco Manzano, Jerry Manzano, Victorino Mira Jr. ,Romeo Libatan at Alvin Lapeña na noon ay nasa isang birthday party noong June 1, 2017.
Nanindigan noon si Espenido na ang pagkamatay ng grupo ni Manzano ay bunga ng isang lehitimong follow-up operation laban sa isang robbery group.
Samantala, binasura naman ng DOJ panel ang reklamong murder at arbitrary detention laban kina Espenido.