Naniniwala si Bataan Representative Geraldine Roman na nagpapatawa lamang si Senate President Vicente Sotto III nang sabihin nitong “Homo sapiens” na lang ang itawag sa LGBTQIA+ community.
“I think Senator Tito Sotto was trying to be funny and was his usual self. But the term Homo sapiens is irrelevant, really,” ani Roman sa isang panayam sa ANC, Biyernes.
“We want a toilet that would respond to the needs of all people regardless of their gender identity,” giit ng kongresista.
Sa sesyon ng Senado hinggil sa Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality (SOGIE) bill, Miyerkules, kinuwestyon ni Sotto ang “mahabang” katawagan sa mga miyembro ng LGBT (lesbian, gay, bisexual, transgender) community.
“Why the lengthy letters? Why not just Homo sapiens? We’re all the same,” aniya.
(BASAHIN: Sotto sa ‘LGBTQIA+’: Bakit hindi na lang ‘Homo sapiens’? Pare-pareho lang tayo)
Tinalakay ang SOGIE bill kasunod ng nangyari sa isang transgender woman na hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng palikuran sa mall sa Quezon City.
Pinahiya, pinosasan umano, at saka dinala sa pesinto si Gretchen Diez matapos mag-live video sa Facebook para idokumento ang insidente.
Isa si Roman sa mga unang umaksyon sa insidente kung saan agad siyang sumugod sa police station para kundenahin ang nangyari.
(BASAHIN: Transgender woman, inaresto matapos pagbawalan sa pambabaeng CR sa Cubao)
Humingi naman na ng paumanhin ang Farmers Plaza sa insidente.
(BASAHIN: Farmers Plaza, humingi ng paumanhin sa trans woman na hinarang sa female CR; nilaglag ang janitress)
Si Roman ang kauna-unahang transgender woman na naihalal sa Kongreso.