Nagbigay ng commitment ang Hong Kong government sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) doon na tinamaan ng COVID-19 na sila ay bibigyan ng atensyong medikal.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Philippine Consul General to Hong Kong Raly Tejada na tiniyak ng Hong Kong government sa pamamagitan ng kanilang labor department na gagamutin ang lahat ng Filipino domestic workers na nahawaan ng COVID-19.
Sa katunayan ani Tejada, mayroong isolation facility na pwedeng mag-accommodate ng 20,000 mga pasyente ang binuksan ng Hong Kong government para mapagdalhan sa mga Filipino domestic workers na positibo sa virus.
Sa ngayon, 61 na mga OFWs ang kumpirmadong positibo sa COVID-19, 31 rito ay dumulog sa konsulada para sila ay madala sa ospital o sa isolation facility.
Kasunod nito, tiniyak ni ConGen. Tejada na lahat ng mga OFWs na nangangailangan ng emergency assistance ay all accounted for at ngayon ay tinutulungan na.
Lahat aniya ng mga ito ay ligtas at nakatatanggap narin ng atensyong medikal.