Ipinalilibre sa buwis ang honoraria at allowances na ibinibigay ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga nagsisilbing guro at non-teaching personnel tuwing halalan.
Nakapaloob ito sa inihaing Senate Bill 2398 ni Senator Sherwin Gatchalian kung saan lahat ng mga guro at iba pang poll workers ay pinae-exempt sa buwis ang matatanggap nilang honoraria at allowances.
Para malibre sa buwis, kinakailangang magpakita ng declaration of tax exemption ang isang guro kung ang sweldo at ang matatanggap mula sa COMELEC ay hindi aabot ng P250,000 sa buong taon.
Matatandaang nagpatibay na ng ganitong panukala ang Senado at Kamara noong patapos na ang dating Duterte administration pero vineto ni Pangulong Bongbong Marcos noong nakaraang taon dahil hindi umano patas sa ibang poll workers at malaking halaga ang mawawala sa gobyerno.