Honoraria ng mga guro na magtatrabaho sa May 9 elections, tinaasan na

Tinaasan ng Department of Education (DepEd) ang honoraria ng mga guro na kalahok sa halalan sa Mayo.

Ayon kay DepEd Undersecretary Anne Sevilla, mayroon ding dagdag benepisyo na matatanggap ang mga guro sa pamamagitan ng allowances sa transportasyon, komunikasyon at COVID-19.

Aniya, ang bawat Electoral Board chairperson ay makakatanggap na ng ₱7,000 mula sa dating ₱6,000.


Nasa ₱6,000 naman ang matatanggap ng bawat Electoral Board members, ₱5,000 sa bawat DepEd supervisor official at ₱3,000 sa bawat support staff .

Sinabi pa ni Sevilla na ang mga tauhan na itatalaga sa panahon ng halalan ay tatanggap ng ₱2,000 transportation allowance, ₱1,500 na communication allowance at anti-COVID-19 allowance na ₱500.

Bukod dito, mayroon din aniyang naka-stand by na medical at accident insurance para sa mga guro.

Batay sa Commission on Elections Resolution No. 10727, ang honoraria at allowance ay dapat bayaran sa loob ng 15 araw mula sa petsa ng halalan.

Facebook Comments