Honoraria ng mga guro sa BSKE, walang magiging pagtaas – COMELEC

Walang magiging pagtaas sa halaga ng matatanggap na honoraria ng mga guro na magsisilbing electoral board members para sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Paliwanag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, hindi kasi nabigyan ng karagdagang budget para sa dagdag honoraria ng mga guro dahil sa non-exemption nito sa buwis.

Dahil dito, mananatiling P6,000 ang matatanggap ng Electoral Board chairperson; P5,000 ang Electoral Board members habang P4,000 para sa mga precinct worker.


Matatandaang noong 2022, binigyan ang Comelec ng 8.4 billion pesos para sa ipinagpaliban na botohan noong December 2022.

At dahil na-reschedule sa October 2023, humingi ang poll body ng karagdagang sampung milyong pisong pondo pero 2.7 billion pesos lang ang ibinigay ng Kongreso sa ilalim ng 2023 national budget.

Samantala, tiniyak naman ni Garcia na magpupursige silang mabigyan ng dagdag na honoraria ang mga guro lalo’t mahirap ang magiging trabaho nila sa BSKE kung saan mano-mano ang pagbibilang ng mga balota.

Kaya naman umaasa ang Comelec na mapagbibigyan ng Kongreso ang hirit nilang supplemental budget.

Facebook Comments