Regular na sahod at hindi honorarium o allowance ang dapat na tinatanggap ng mga opisyal ng barangay dahil sa kanilang sakripisyo at pagsisilbi bilang unang malalapitan ng mga ordinaryong Pilipino.
Ito ang sosolusyonan nina presidential candidate Ping Lacson at ka-tandem niya na si vice presidentiable Tito Sotto, sakaling sila ang piliin ng mga botanteng Pilipino bilang susunod na mga lider ng bansa.
Naniniwala sina Lacson at Sotto na ang regularisasyon sa suweldo ng mga barangay official ay makakapag-angat ng kanilang dignidad at pagiging produktibo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, kaya naman pabor silang isulong muli ang Senate Bill 366 o ang Magna Carta for Barangay Officials.
Pero kahit wala pa umano ito, sinabi ni Lacson na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay masasagot ito ng pangunahin niyang plataporma na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE), kung saan ang mga prayoridad na pangangailangan ng mga barangay official ay matutustusan upang mapabuti ang kanilang mga serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
“Solusyon din diyan, sinasabi namin ni Tito Sen, ‘yung BRAVE. Bibigyan kayo ng mas malapad na papel on top of Mandanas Ruling, on top of IRA (Internal Revenue Allotment), mayroon talagang alokasyon para sa mga local government units down to the barangays,” sabi ni Lacson sa harap ng mga dumalong lokal na opisyal sa Barangay 165 sa Malibay, Pasay City.
Sa kanilang pagbisita sa nasabing lungsod kasama ng senatorial aspirant na si dating police chief Gen. Guillermo Eleazar, inihabilin na nina Lacson at Sotto ang pagpapasa ng batas para sa kapakinabangan ng mga punong barangay, kagawad, ingat-yaman, at kalihim.
Nangako sina Lacson at Sotto na kung sila ang mauupo sa ehekutibong sangay ng gobyerno ay susuportahan nila ang batas na ito na magdadagdag din ng kapasidad para sa mga barangay official dahil sa mga nakapaloob na mga training program para sa kanila.
“Dapat i-implement. Hindi kami nakaupo, subukan niyo kami ang nakaupo, i-implement namin ‘yan,” ani Sotto.