Mariing kinukondena ni Senator Risa Hontiveros ang pagpatay na ginawa ng Navotas PNP sa 17 taong gulang na si Jehrode ‘Jemboy’ Baltazar matapos na mapagkamalang suspek na kanilang pinaghahanap.
Ayon kay Hontiveros, nakaaalarma at kaduda-duda na nasampahan lang ng magaan na kaso na “reckless imprudence resulting in homicide” ang anim na pulis Navotas na responsable sa pagpaslang sa binatilyo sa halip na mabigat na kaso na homicide.
Giit ng senadora, hindi hamak na mas maliit ang parusa sa reckless imprudence resulting in homicide na makukulong lang apat na taon at dalawang buwan kumpara sa homicide na aabot sa 20 taon.
Binigyang-diin ni Hontiveros na malinaw na labag sa batas at sa regulasyon ng PNP ang pagpapaulan ng bala ng mga alagad ng batas sa isang sibilyan na hindi naman armado at walang ginawang masama.
Wala aniya sa katwiran at hindi excuse ang sinasabing approach ng PNP Navotas na “shoot first, ask question later” sa krimeng nagawa ng mga pulis.
Nanawagan ang senadora sa PNP na tiyaking walang whitewash, special treatment at paglililimita sa parusang nararapat sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa binatilyo.