Humingi na ng permiso ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa Tarlac Regional Trial Court para payagang makadalo sa pagdinig ng Senado sa Lunes si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nagpadala na ngayong hapon ng liham si Committee Chairperson Risa Hontiveros kay Tarlac RTC Presiding Judge Sarah Bacolod Vedaña-Delos Santos para hilingin ang pagpapaharap kay Guo sa imbestigasyon ng Senado sa mga POGO at ang pagtakas nito sa bansa.
Sa Lunes, September 9, alas 10:00 ng umaga ay muling ipagpapatuloy ang pagdinig ng komite at umaasa si Hontiveros na papayagan ng korte na makadalo si Guo.
Hindi na isinailalim si Guo Hua Ping o Alice Guo sa detensyon ng Senado matapos na hindi ito magpyansa sa mga kaso ng graft and corrupt practices act na inihain sa kanya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Capas Tarlac RTC Branch 109.
Dahil dito, mananatili na sa PNP custody si Guo.