Hospital bed utilization sa bansa, bumababa na ayon sa UP OCTA Research Team

Bumababa na ang ward at Intensive Care Unit (ICU) bed utilization ng mga ospital sa bansa.

Ayon kay Dr. Butch Ong ng UP OCTA Research Team, karamihan ng mga ospital partikular sa National Capital Region (NCR) ay mayroon na lamang 50% hanggang 60% hospital utilization rate.

Bukod dito, bumaba na rin sa 8% ang positivity rate sa NCR na ilang porsiyento na lamang ang agwat mula sa ideal target ng World Health Organization (WHO) na 5% o mas mababa pa.


“Ang ibig sabihin nito, mas kumokonti na ang naipapasok o kaya mas mabilis nang nadi-discharge ang mga nakakarecover or both,” ani Dr. Ong sa panayam ng RMN Manila.

Sa kabila nito, iginiit ng medical expert na bagama’t pababa na ang trend ng COVID-19 new cases ay hindi pa rin nawawala ang posibilidad na magkaroon panibagong surges.

Dapat pa rin aniyang pairalin ang disiplina at pag-iingat lalo na sa planong pagbubukas ng mga industriya oras na luwagan na ang quarantine restrictions.

“Itong mga numero na ‘to ay hindi ito permanenteng bababa na, maaaring umakyat ito anytime. Ang disiplina pa rin ang ating number one na armas laban sa COVID-19 ‘no. So, kung gusto natin na makakita ng Pasko na talagang, ‘yong masaya na gaya dati, una we must look at the new normal ‘no, so ngayon pa lang gawin na natin ang dapat nating gawin,” dagdag pa ni Ong.

Facebook Comments