Sa kabila ng banta ng Delta variant sa bansa, nananatiling nasa mababa o low risk ang hospital occupancy rate sa Metro Manila.
Ayon kay NTF Deputy Chief Implementer & Testing Czar Sec. Vince Dizon sa kabuuan ay nananatiling mababa ang occupancy ng mga kama at ICU beds sa mga ospital.
Ito ay bunsod na rin ng pinaraming isolation at temporary treatment & monitoring facility kung saan maging ang mga Local Government Units (LGU) ay may kaniya-kaniyang mga kahalintulad na pasilidad.
Tanging ang Makati ang nakapagtala ng mataas na ICU bed capacity sa ngayon, pero ito ay mahigpit na nilang mino-monitor.
Sa kabila nito, sinabi ni Dizon na walang lugar ang pagkampante, dahil nananatili ang banta ng Delta variant na sinasabing mas mabilis makapanghawa.
Kaya nga puspusan aniya ang ginagawa nilang pagbabakuna upang mabigyang proteksyon ang ating mga kababayan.
Sabayan pa ng pinaigting na Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate (PDITR) strategy ay tiyak na mapipigilan ang pagkalat ng virus.