Iginiit ni Senator Win Gatchalian sa mga ospital na itaas ang kapasidad para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Apela ito ni Gatchalian dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa bansa na kailangang gamutin sa mga ospital.
Tinukoy rin ni Gatchalian ang pahayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong nakaraang buwan na nasa delikadong sitwasyon na ang mga ospital dahil halos okupado na ang 70% ng kapasidad nito para sa COVID-19 cases.
Para hindi umapaw ang mga ospital ay pinapakilos din ni Gatchalian ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pangunahan ang programang pagpapatayo ng mga pansamantalang pagamutan.
Mungkahi ni Gatchalian, magkaroon ng makeshift hospitals ang mga Local Government Units (LGUs) para sa mga pasyenteng dumaranas ng mild symptoms at nasa recovery stage o malapit nang gumaling.