Posibleng maging problema sa mga susunod na araw ang hospitalization rate sa ilang rehiyon sa bansa.
Kasunod ito ng pagtalon ng COVID-19 positivity rate ng ilang probinsya sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, sa ngayon ay may ilang rehiyon na sa bansa ang nakikitaan ng pagtaas ng bilang ng mga nao-ospital dahil sa virus.
“Hindi ganon kabilis yung pagtaas sa Metro Manila. Ang nakakagulat, medyo tumalon yung kaso sa ilang regions outside Metro Manila. [Pero] yung levels, hindi naman tulad ng levels na Nakita natin noong mga nakaraang taon or earlier this year,” ani David.
“Merong… baka maging concerning yung hospitalization, hindi pa naman nasa 50% pero medyo mataas na yung kanilang hospitalization rate,” dagdag niya.
Nabatid na ilang probinsya mula sa Central Luzon, CALABARZON at Western Visayas ang nakapagtala ng positivity rate na lampas sa threshold ng World Health Organization gaya ng Aklan na mayroong 26.9%.
Dagdag ni David, bumibilis pa ang hawaan ng COVID-19 sa mga probinsya habang posibleng maabot ng NCR ang peak nito bago mag-Agosto.
“Hopefully magkatotoo ‘yan para bumaba na ‘yung kaso. Pero sa mga provinces, hindi pa natin masasabi kung magpi-peak na kasi bumibilis pa yung hawaan. Although well-protected yung Metro Manila, baka ‘pag nag-subside na rito, e tumataas pa sa ibang provinces na kumalat dun yung COVID and hindi natin sigurado yung extent ng magiging wave nila. Tapos yun nga, wala pa rito yung mga bagong sub-variant na [na-detect] sa Shanghai at India,” saad pa ng health expert.