Bago pa magsimula ang Enhanced Community Quarantine (ECQ), nag-iikot na sa National Capital Region (NCR) ang food trucks ng Philippine Red Cross.
Ayon kay PRC Chairman at Senator Richard Gordon, inatasan niya ang sampung PRC Chapters na ideploy ang kanilang Hot Meals on Wheels.
Aniya, naisipan niya ang pagkakaroon ng Hot Meals on Wheels dahil sa panahon ng kalamidad, gutom ang kalaban ng mga apektado.
Kabilang sa mga naserbisyuhan ng PRC food trucks ay ang Barangay 86 at 87 sa Caloocan; Barangay 286 at Delpan sa Maynila; Barangay Santulan sa Malabon; Barangay Tumana sa Marikina; Barangay NBBS Kaunlaran Village sa Navotas; Barangay 201 sa Pasay; at Barangay Tandang Sora at Balutan sa Quezon City.
Maliban dito, idineploy rin ng Red Cross ang kanilang food trucks sa Rizal, Cavite, at Bulacan.
Nabatid na aabot sa 2,000 indibidwal ang nabigyan ng pagkain ng PRC kung saan kabilang sa kanilang menu ang chicken adobo, arroz ala cubana, sweet and sour meatballs, chop suey, at fried chicken.