Inihihirit ni Assistant Majority Leader Niña Taduran na paikliin pa sa tatlong araw ang quarantine ng mga nagbabalik-bansa.
Partikular na iniaapela ito ng kongresista sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID), Bureau of Quarantine (BOQ) at sa Department of Health (DOH).
Hiling ni Taduran sa mga kaukulang ahensya na paikliin ang hotel quarantine period ng mga balik-bayan na bakunado naman at may dalang negatibong resulta ng COVID-19 swab test o antigen test.
Aniya pa, kung sa loob ng tatlong araw ay negatibo naman sa sintomas ng sakit ay pauwiin na ang mga ito at hayaang sa bahay mag-quarantine.
Dagdag ng mambabatas, malaking pasakit aniya ang napakahabang quarantine sa pinansiyal, emosyal at mental na estado ng isang malusog na pasahero bukod pa sa hindi rin ito nakakatulong sa ekonomiya ng bansa.