Hotline sa pagitan ng China at Philippine Coast Guards, hindi na umano ginagamit pa dahil hindi naman masyadong napakinabangan ng bansa

Hindi na umano ginagamit pa ang hotline sa pagitan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Chinese Coast Guard (CCG) at tanging ang direktang linya ng komunikasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Beijing ang kasalukuyang nag-e-exist.

Paliwanag ni West Philippine Sea Spokesperson Jay Tarriela na hindi naman aniya masyadong napakinabangan ng bansa ang PCG-CCG hotline.

Aniya, sa lahat ng maritime incidents na nangyari sa pagitan ng Pilipinas at China sa nakalipas na anim na taon noong nakaraang administrasyon, sinubukang gamitin ang naturang hotline subalit sa kasamaang palad, walang napala na positibong resulta ang Pilipinas para magkaroon ng pag-uusap sa China.


Sinabi rin ng opisyal na “ghinost” ng China ang Pilipinas o hindi sumasagot nang makailang beses na tinatawagan ng Pilipinas ang China sa pamamagitan ng hotline sa kasagsagan ng insidente noong Agosto 5 nang bombahan ng tubig ng CCG ang resupply boat ng PH sa Ayungin Shoal.

Una rito, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 sa Beijing para sa pagkakaroon ng naturang hotline at naipatupad ito isang taon ang nakakalipas.

Subalit ang naturang MOU sa pagitan ng CCG at PCG ay hindi na na-renew pa nang magtungo si President Bongbong Marcos sa Beijing noong Enero ng kasalukuyang taon.

Facebook Comments