Tila malamig ang Department of Justice (DOJ) sa posibilidad na ilagay sa house arrest si Pastor Apollo Quiboloy.
Kasunod ito ng paghiling ng kampo ni Quiboloy na ilipat ng kustodiya o i-house arrest si Quiboloy dahil umano sa edad at seguridad nito.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang korte na ang bahala kung pagbibigyan ang kampo ni Quiboloy.
Pero kung siya aniya ang tatanungin, ang mga binibigyan ng house arrest ay ang mga indibidwal na hindi nagtago at nagpahirap sa gobyerno para maaresto.
Depende rin aniya ito kung maysakit ang isang indibidwal.
Ayon din sa kalihim, hindi dapat siya ang sumagot sa mga bagay na ito.
Samantala, sa isyu naman ng pagtatakip ng mukha nang ipresinta si Quiboloy ng Philippine National Police matapos maaresto at ang pag-blur sa mugshot, sinabi ni Remulla na hindi dapat ganun ang nangyari dahil nauna na rin naman itong inilagay sa wanted poster at kailangang maipakita sa mga tao ang patunay na nahuli talaga si Quiboloy.