Hinikayat ni dating House Speaker at Taguig-Pateros Representative Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na isapubliko ang kanya-kanyang bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) ng Kamara at Senado bago ito aprubahan sa bicameral conference committee.
Ang suhestyon ni Cayetano ay sa gitna na rin ng mga alegasyon ng korapsyon laban sa mga kongresista.
Ayon kay Cayetano, dapat na ipakita sa publiko ang nilalaman ng House at Senate version ng GAB para humupa ang pangamba ng mga Pilipino at matiyak na walang unconstitutional at invidual insertions na ginawa sa ilalim ng 2021 national budget bago pa man ito mapagtibay sa bicam.
Naniniwala ang kongresista na sa kanyang proposal ay maiiwasan ang batuhan ng putik sa mga isyung wala naman palang katotohanan at makikita rin ng publiko kung talaga bang may dagdag-bawas na ginawa sa pambansang pondo.
Sa ganitong paraan din aniya ay mairereport ng media kung may katotohanan sa mga bintang ng korapsyon at katiwalian na nakapaloob sa national budget.
Karapatan din aniya ng lahat ng myembro ng Kongreso na malaman ang nilalaman ng P4.5 trillion 2021 national budget upang maiwasan ang “for later release” sa mga budget items at maiwasan din ang veto sa budget.