House Bill 7727 o ₱4.5 trillion 2021 national budget, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa

Pinagtibay na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB).

Ito ay kahit pa maraming isyu na kinaharap ang Kamara sa mga nakalipas na linggo partikular sa naging girian sa Speakership.

Sa botong 267 na pagsang-ayon at 6 namang tutol ay naaprubahan ang P4.506 trillion 2021 national budget na mas mataas ng 9.9% kumpara sa P4.1 trillion budget ngayong 2020.


Pinakamalaking bahagi ng 2021 budget ay mapupunta sa personnel services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32 trillion kung saan dito kukunin ang alokasyon para sa dagdag na hiring ng mga healthcare workers, second tranche ng Salary Standardization Law, at dagdag na pensyon para sa mga retired uniformed at military personnel.

Nakapaloob din sa pambansang pondo ang mga stimulus para sa muling pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng COVID-19 at ang P2.5 billion na bakuna laban sa impeksyon.

Samantala, sa kanyang turno en contra sa budget ay bumaba bilang lider ng Minority group si Manila Rep. Benny Abante at nagpahayag ng kanyang pagnanais na lumipat na sa mayorya ng Kamara.

Facebook Comments