House Bill 8648 na magpapabilis sa procurement at administration ng COVID-19 vaccines, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

23

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8648 na nagpapabilis sa procurement at administration ng COVID-19 vaccines ng gobyerno at mga Local Government Unit (LGUs).

Matatandaang minamadali ngayon ang pagpapatibay sa panukala matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.


Sa botong 225 Yes, 0 No, at 6 Abstain ay naaprubahan ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.

Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang mga LGU na ma-exempt sa pagsusumite ng mga requirements sa ilalim ng Government Procurement Reform Act para mapadali ang proseso ng pagbili at pangangasiwa ng bakuna.

Bagama’t hindi na kakailanganin ng public bidding ng mga LGU para sa mabilis na pagbili ng COVID-19 vaccines, kailangan pa ring pumasok ng mga ito sa isang multiparty agreement kasama ang Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Lilikha rin ng COVID-19 National Vaccine Indemnity Fund na popondohan ng ₱500 million para pambayad danyos sa mga mababakunahan na magkakaroon ng adverse effects o magkakaproblema dahil sa bakuna.




Nakasaad din sa panukala na papayagan na ang mga pharmacists at mga midwives na mag-administer o magsagawa ng pagbabakuna kaakibat na may sapat na pagsasanay para rito.

Simula January 1, 2021 hanggang December 31, 2023 ay ililibre sa pagbabayad ng VAT, import duties, excise tax, donor’s tax at iba pang bayarin ang mga biniling COVID-19 vaccines, ito man ay sa gobyerno o sa private entities.

Magkakaroon din ng Vaccine Passport Program na siyang magsisilbing talaan ng mga Pilipinong nabakunahan na kontra COVID-19.

Mananatili namang epektibo ang panukala na ito sa mga panahon na nasa state of calamity at public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic o hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa June 30, 2022, maliban na lamang kung maaagang maaalis o palalawigin pa ang health emergency.

Facebook Comments