Nagpapatuloy ngayon ang ika-anim na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability patungkol sa kwestyunableng paggamit ng pondo partikular ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Hindi muling sumipot si Vice President Sara Duterte pero present na ngayon ang Chief of Staff ng OVP na si Atty. Zuleika Lopez na hindi nakadalo sa nakaraang pagdinig dahil nagtungo sa Amerika.
Si Lopez ay sinasabing kasama sa “inner circle” ni VP Sara na may kontrol sa confidential funds ng OVP.
Nagpasya naman ang komite na pinamumunuan ni Manila 3rd District Joel Chua na humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) para maaresto ang apat na opisyal ng OVP na pinatawan ng contempt dahil sa hindi muli pagharap sa pagdinig.
Ito ay sina:
• Atty. Lemuel Ortonio – Assistant Chief of Staff at Chairperson ng Bids and Awards ng OVP;
• Gina Acosta – Special Disbursing Officer ng OVP;
• Atty. Sunshine Charry Fajarda – dating Assistant Secretary ng DepEd na nasa OVP na ngayon; at
• Mr. Edward Fajarda – dating Special Disbursing Officer ng DepEd at ngayon ay nasa OVP na rin.
Nabatid na hindi naisilbi ang contempt at arrest order sa nabanggit na mga OVP officials dahil sila daw ay nasa official travel.
Bukod dito ay nakikipag-ugnayan na rin ang komite sa Bureau of Immigration (BI) para maisailalim sila sa immigration look out bulletin para mapigilan na makalabas sila ng bansa.