Dalawang panukalang batas ang inihain ng mga kongresistang miyembro at namumuno sa House Committee on Good Government and Public Accountability.
Bunga ito ng imbestigasyong ginawa ng komite ukol sa isyu ng “confidential funds” partikular ang kwestyunableng paggastos dito ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa chairman ng komite na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ito ay ang House Bill 11192 na nagtatakda ng regulasyon sa confidential at intelligence funds, at pagpapataw ng parusa kung mali ang paggamit dito.
Binanggit din ni Congressman Chua ang House Bill 11193 na kinapapalooban ng regulasyon para sa special disbursing officers (SDO).
Sabi ni Chua, sa ilalim ng panukala ay ang mga SDO na lalabag sa batas ay mahaharap sa administrative at criminal liabilities, papatawan ng “perpetual disqualification” sa pag-upo sa public office o gobyerno, at mawawalan din sila ng mga benepisyo.
Layunin din ng panukala na higpitan ang kwalipikasyon para sa SDO.