Nanindigan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na hindi pamumulitika ang imbestigasyon nito ukol sa kwestyunableng paggastos sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Committee Chairman at Manila 3rd District Representative Joel Chua, ginagampanan lang nila ang kanilang trabaho kaya inaksyunan nila ang ini-refer sa komite na isyu sa confidential funds ng ikalawang pangulo.
Diin ni Chua, ang tinututukan ng komite ay ang pananagutan at tamang paggastos sa pondo ng taumbayan.
Giit ni Chua, wala siyang nakikitang politika sa kanilang hakbang dahil ang malinaw ngayon ay may pera ng bayan na nawawala at may mga kwestyunableng transakyon ang OVP at DepEd sa ilalim ni VP Sara.