Kinumpirma ng House Committee on Good Government and Public Accountability na nakatanggap ito ng dokumento o certification mula sa Philippine Statistics Authority o PSA na nagsasabing wala sa record nila ang pangalang Mary Grace Piattos.
Ayon kay House Blue Ribbon Committee Chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, nakasaad sa dokumento na walang naka-record sa PSA na may ipinanganak, ikinasal o pumanaw na Mary Grace Piattos.
Ang dokumento ay hiniling ng Komite makaraang lumitaw ang pangalang Mary Grace Piattos sa pagdinig nito ukol sa kwestyunableng paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte.
Nakasaad ang pangalang Mary Grace Piattos sa acknowledgement receipts na bahagi ng liquidation report na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).
Samantala, nakatakda namang ipagpatuloy ng komite ang pagdinig nito sa Huwebes, December 5.