Sinimulan na ng House Committee on Appropriations ngayong araw ang pagbusisi sa ₱4.5 trillion 2021 National Expenditure Program (NEP).
Unang sumalang sa unang araw ng pagtalakay sa pambansang pondo sa 2021 ang mga ahensyang nasa ilalim ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) kung saan humarap sina Budget Secretary Wendel Avisado, Finance Secretary Carlos Dominguez, acting Economic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno.
Hindi katulad sa mga naunang budget hearings ng Kamara, aabot lamang sa 50 ang mga ‘physically present’ sa budget hearing kasama na rito ang mga kinatawan ng bawat ahensya.
Maaari namang makilahok sa budget deliberations ang iba pang kongresista na wala sa kapulungan sa pamamagitan ng teleconferencing apps.
Nauna nang sinabi ni Deputy Speaker LRay Villafuerte na nililimitahan nila ang bilang ng mga maaari lamang makadalo sa pagdinig ng budget upang matiyak ang kaligtasan ng mga kongresista, opisyal at mga staff laban sa COVID-19.
Samantala, inaanyayahan naman ni Speaker Alan Peter Cayetano ang publiko na mag-participate sa budget hearing sa pamamagitan ng paggamit ng social media kung saan maaari nilang ipaabot ang mga concern sa kanilang mga kongresista.
Tinitiyak ng hakbang na ito ang mahalagang papel ng taumbayan sa transparency at accountability ng kanilang mga kinatawan.
Plano ring lumikha pa ng isang hiwalay na message board at bagong social media account para mas maraming participants ang ma-accommodate sa budget hearing.