Natapos na ang pagdinig at may nabuo ng rekomendasyon ang House Committee on Ethics and Privileges kaugnay sa ethics complaint laban kay dating House Speaker at ngayo’y Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Sinabi ito ni committee Vice Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo Bongalon pero tumanggi muna siyang isapubliko kung ano ang laman ng kanilang rekomendasyon.
Ayon kay Bongalon, anuman ang desisyon ng komite ay ia-akyat sa plenaryo posibleng mamaya o bukas para pagbotohan ng mga kongresista.
Ang reklamo laban kay Alvarez ay inihain ni Tagum City Mayor Rey Uy dahil sa umano’y libelous remark nito laban sa mga opisyal ng Davao del Norte, at seditious statements naman dahil sa paghikayat sa mga sundalo at pulis na bumawi ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Una namang inihayag ni Committee Chairman at COOP NATCO Party-list Rp. Felimon Espares na ibinasura na ng komite ang reklamo ng palagiang pag-absent ni Alvarez sa Kamara.