House Committee on Good Government and Public Accountability, may nakikitang dalawang batayan ng impeachment vs VP Sara

May nakikitang batayan ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa posibleng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Committee Chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua, kaugnay ito sa hindi maipaliwanag na paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara.

Pangunahing tinukoy ni Chua ang mga natuklasan sa pagdinig ng Komite na hindi maipaliwanag ni VP Sara na paggastos ng ₱125 milyong confidential funds ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.


Ayon kay Chua, ang paglalabas ng Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance ay patunay na hindi nabigyang-katwiran ni VP Sara ang paggastos sa nabanggit na pera ng taumbayan.

Binanggit din ni Chua na maaaring maharap si VP Duterte sa impeachment dahil sa katiwalian at korapsyon bunsod ng kabiguang maipaliwanag ang paggamit sa ₱15 milyon sa confidential funds ng DepEd bilang reward sa mga impormante at ₱16 milyon na ginastos ng OVP sa pagbabayad ng renta ng mga safe house sa loob ng 11 araw noong 2022.

Binigyang-diin ni Chua na ang mga aksyon ni Duterte ay maaaring ituring na pagtataksil sa tiwala ng publiko, partikular sa nakikitang maling paggamit ng pondo na ipinagkatiwala sa kanyang pangangalaga.

Facebook Comments