House Committee on Human Rights, tiniyak ang buong respeto at maayos na pagtrato kay dating PRRD sakaling magpasya itong dumalo sa pagdinig ukol sa drug war

Nangako si House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na ipagkakaloob ang buong respeto, pagiging patas at maayos na pagtrato kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dati ring miyembro ng Kamara.

Ayon kay Abante, ito ay sakaling magbago ang isip at pinal na magpasya si Duterte na dumalo sa pagdinig ukol sa umano’y extra judicial killings na nangyari sa ilalim ng war on drugs.

Paliwanag ni Abante, ang imbitasyon kay dating Pangulong Duterte ay isang pagkakataon  para personal nitong masagot ang mga isyu kaugay sa drug war na ikinasa ng kanyang administrasyon.


Binigyang diin ni Abante na ang layunin ng pagdinig ay upang mapakinggan ang lahat ng panig at makakuha ng sapat na impormasyon ukol sa EJK na may koneksyon sa war on drugs.

Binanggit ni Abante na makakatulong sa magiging report at rekomendasyon ng committee ang lahat ng “input” na magmumula sa mga opisyal at personalidad na may kinalaman sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga.

Facebook Comments