Wednesday, February 4, 2026

House Committee on Justice, ibinasura ang dalawang impeachment complaint laban kay PBBM

Ibinasura na ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gervilla Luistro ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay makaraang lumabas sa boto ng mga miyembro ng komite na insufficient in substance o walang sapat na sustansya o batayan ang dalawang reklamo laban sa pangulo.

42 na nga miyembro ng komite bomoto na insufficient in substance ang unang reklamo na inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Representative Jernie Jett Nisay.

39 naman na mga miyembro ng komite ang bomoto na insufficient in substance ang ikalawang impeachment complaint na inihain ni Liza Masa ng Makabayan Coalition na inendorso nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elado, at Renee Co ng Makabayan Bloc.

Tatlo ang grounds ng De Jesus complaint na kinabibilangan ng graft and corruption, culpable violation of the constitution, at betrayal of public trust.

Kabilang sa mga aksyon o offenses ni PBBM na tinukoy sa unang reklamo ang umanoy pagpapadukot nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagsuko sa kanya sa International Criminal Court (ICC).

Binanggit din ang pagiging addict umano ni PBBM sa ilegal na droga na nakakaapekto sa pamumuno nito sa bansa gayundin ang hindi nito pag-veto sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng national budget mula 2023 hanggang 2026.

Nakinabang din umano si PBBM sa mga kickback mula sa flood control projects at ang paglikha nito sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para protektahan ang mga tiwaling kaalyado.

Nakabatay naman sa Betrayal of Public Trust ang ikalawang impeachment complaint base sa tatlong offenses ng pangulo.

Una rito ang pagpapatupad ng “Baselined-Balanced-Managed o BBM Parametric Formula” sa Department of Public Works ang Highways (DPWH) na binatayan ng “allocables” at nagbunga ng malawakan at sistematikong korapsyon.

Ikalawa ang pag-abuso ng pangulo sa discretionary power sa paggamit o pagpapatupad ng unprogrammed appropriations at huli ang umano’y pakinabang ni PBBM sa kickback mula sa maanumalyang flood control projects.

Ang pasya ng komite ay kailangang pagtibayin sa plenaryo ng Kamara kung saan maari din itong mabaligtad sa pamamagitan ng 1/3 votes ng kabuuang bilang ng mga kongresista.

Facebook Comments