Monday, February 2, 2026

House Committee on Justice, idineklarang sufficient in form ang dalawang impeachment complaint laban kay PBBM

Idineklara ng House Committee on Justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro na sufficient in form ang dalawang verified impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ang unang reklamo ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni Pusong Pinoy Party-list Rep. Jernie Jett Nisay.

Samantala, ang ikalawang reklamo ay inihain ng Makabayan Coalition at inendorso ng mga kongresista ng Makabayan Bloc, kabilang sina Reps. Antonio Tinio, Sara Elago, at Renee Co.

Sa botohan, 46 na miyembro ng komite ang bumoto pabor na ideklarang sufficient in form ang unang reklamo, isa ang tumutol, at isa ang nag-abstain.

Para naman sa ikalawang reklamo, 35 kongresista ang bumoto pabor, siyam ang kumontra, at isa ang nag-abstain.

Samantala, nag-walk out si Manila 6th District Rep. Benny Abante sa gitna ng pagdinig matapos ideklarang sufficient in form ang ikalawang impeachment complaint. Aniya, may duda siya kung ang mga reklamo ay mula sa mga tunay na nagbabayad ng buwis.

Magpapatuloy bukas, Pebrero 3, ang pagdinig ng komite upang tukuyin naman kung sufficient in substance ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr.

Facebook Comments