
Bukas ang House Committee on Legislative Franchises sa posibleng imbestigasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa prangkisa ng solar energy firm na itinatag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste.
Ayon kay Committee Vice Chairman at Bataan 1st District Rep. Tony Roman, maaari nilang ikasa ang isang imbestigasyon kung may maghahain ng kaukulang resolusyon sa Kamara.
Binanggit ni Roman na sa ngayon ay wala pang panukalang resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon, at mainam aniya na huwag munang magbigay ng komento hangga’t wala pang lumulutang na malinaw na ebidensya ng paglabag.
Una rito, inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na wala umanong congressional approval ang paglilipat o pagbebenta ng shares sa solar power firm ni Leviste.
Sinabi naman ni Leviste na sasagutin niya ang naturang alegasyon sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa January 26.










