Mariing itinanggi ni House Deputy Speaker, SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta na may ini-akda siyang panukalang batas na nagbibigay ng prangkisa sa mga media company.
Sa joint committee hearing sa Kamara hinggil sa ABS-CBN franchise application, binanggit ni Marcoleta ang mga balitang iniulat ng isang reporter ng ABS-CBN News kung saan pinapalabas na naging author siya ng iba’t ibang media franchise bills.
Iginiit ni Marcoleta na wala siyang ini-akdang prangkisa dahil siya ay nasa sektor ng Urban Poor.
Ipinaliwanag din niya na kaya nakalagay ang kaniyang pangalan sa listahan ng mga may-akda ng franchise bills ay bahagi ng practice sa mababang kapulungan kung saan maaaring isama ng mambabatas ang mga kasamahan nito bilang co-author.
Hindi rin daw binigyan ng pagkakataon ang mambabatas na makapagpaliwanag at maibigay ang kanyang panig.
Samantala, iginiit ng ABS-CBN News Reporter na si Mike Navallo na ang mga dokumentong kaniyang ipinakita sa kaniyang report ay mula sa official website ng Kamara, na ibig sabihin ay bahagi ng public records.
Binigyang diin din ni Navallo na bahagi ng trabaho ng isang mamamahayag o journalist na isiwalat ang inconsistencies sa pamamagitan ng fact-checking.
Dagdag pa ni Navallo, hiningan nila ng pahayag si Marcoleta bago i-ere at ilathala ang report pero hindi tumugon ang mambabatas.
Pinayuhan din sila ng kanyang superiors na hindi sila maaaring mag-organisa ng press conferences para sa mga pulitiko o government officials at sa halip ang mga staff ng mga ito ang dapat mag-imbita at magsagawa.