
Walang script ang House Infrastructure Committee para isangkot si Senator Francis Chiz Escudero at sino mang senador sa maanumalyang flood control project.
Ayon kay Committee Co-Chairman Rep. Terry Ridon, kung meron silang script ay dapat sa unang pagdinig palang ay isinalang na agad si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo para banggitin niya ang detalye ng mga transaksyon kasama si Maynard Ngu.
Sabi ni Ridon, kung may script sila ay dapat binanggit na agad sa unang hearing ang mga pangalan ng mga senador na akusado ngayon sa mga kickback sa flood control projects sa Bulacan na pinapatotohanan ng mga dating opisyal ng DPWH na sina Engr. Henry Alcantara at Usec. Bernardo sa Senate Blue Ribbon Committee hearing.
Dagdag pa ni Ridon, wala ring script sa pagbanggit ng campaign donation ni Centerways Construction and Development Inc. President Lawrence Lubiano kay Escudero noong 2022 na itinanong ni Akbayan Rep. Chel Diokno na isang ginagalang na abogado at mataas ang integridad sa mata ng publiko.
Diin ni Ridon, medyo katawa-tawa at hindi kapani-paniwala ang sinasabi ni Escudero na may script ang House Infra Comm para isangkot sya sa isyu ng korapsyon sa flood control projects.









