House Infrastructure Committee, bukas kina Villanueva at Estrada kung nais nilang magpaliwanag

Sa ngalan ng inter-parliamentary courtesy ay walang plano ang House Infrastructure Committee na imbitahan sina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada para humarap sa mga susunod na pagdinig ukol sa maanumalyang flood control projects.

Pero ayon kay Infra Committee co-chairman Rep. Terry Ridon, bukas ang komite sakaling nais nina Villanueva at Estrada na magpaliwanag.

Ito ay makaraang ibunyag sa ikalawang hearing ng komite ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Brice Hernandez na tumatangap umano sina Villanueva at Estrada ng kickback mula sa mga flood control project na pinaalanan nito ng pondo.

Tiniyak ni Ridon na bibigyan sila ng right to reply para makapaglahad ng kanilang panig pero hindi sila maaaring interpelasyon o pagtatanong sa mga resource person sa hearing.

Halimbawa nito ang pagbibigay ng pagkakataon kahapon kay Quezon City Rep. Marivic Co Pilar na harapin sa hearing si Pacifico Discaya at pabulaanan ang alegasyong nangongomisyon sya sa mga flood control projects.

Facebook Comments