
Labis na ikinadismaya ng kongresistang kasapi ng Makabayan Bloc ang pagbasura ng House Comittee on Justice sa dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago at Renee Co ng Makabayan Bloc, mistulang naging abogado ni PBBM ang House Justice Panel dahil pinaligtas umano nila ang pangulo sa pananagutan.
Kanilang pinuna ang paulit-ulit na pahayag ng karamihan sa miyembro ng komite na walang ebidensya at hindi impeachable ang mga offense ng pangulo na nakapaloob sa reklamong impeachment.
Diin ng Makabayan solons, dahil sa pag-aktong tagapagtanggol ni President Marcos ay nabigo ang mayorya sa mga miyembro ng komite na tuparin ang constitutional duty nila at mandato na pairalin ang checks and balance upang walang makalusot sa pananagutan lalo na sa pagbulsa sa pera ng bayan.










