
Tiniyak ng House Committee on Justice na ebidensya at Konstitusyon ang pagbabatayan ng magiging aksyon nito kaugnay ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang tugon ng chairman ng komite na si Batangas Rep. Gerville Luistro nang hingan ng reaksiyon ukol sa naunang pahayag ni House Speaker Faustino “Bodjie” Dy na wala siyang nakikitang batayan na magbibigay-katwiran sa reklamong impeachment laban sa pangulo.
Diin ni Luistro, paiiralin ng komite ang pagiging independent at patas sa pagtalakay at pagpapasya ukol sa impeachment complaint laban kay President Marcos.
Base sa Notice of Meeting na inilabas ng komite, nakatakda sa February 2 ang initial review ng dalawang reklamo laban kay PBBM.
Plano ng komite na gawin hanggang February 4 ang pagtukoy sa sufficiency in form and substance ng mga complaint.










