House Leadership, tiniyak na sapat ang pondo na inilaan para sa COVID-19 vaccine sa 2021

Tiniyak ni House Majority Leader Martin Romualdez na ginawa ng liderato ng Kamara ang nararapat para mapondohan ng sapat ang COVID-19 vaccine para sa susunod na taon.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Romualdez na ginawa nila ang lahat ng mga adjustments at sakripisyo para matugunan ang lahat ng pangangailangan ng bansa partikular sa medical concerns tulad ng bakuna at ayuda sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Nakatuon din aniya ang pambansang pondo para tulungan ang bansa na makabangon ang ekonomiya para hindi ito tuluyang sumadsad dahil sa nararanasang global health crisis.


Kumpiyansa rin si Romualdez na sa ilalim ng liderato ni Speaker Lord Allan Velasco ay makakamit ng bansa ang misyon nito na makabalik sa normal sa 2021.

Sa 2021 budget, P72.5 billion ang inilaan na pondo para sa procurement ng COVID-19 vaccines na hindi hamak na mataas kumpara sa P2.5 billion na original proposal ng Budget Department at sa P8 billion na appropriation noong una ng Kamara.

Samantala, huhugutin naman ng Kamara sa kanilang internal funds ang pondo na P50 million para sa vaccination sa kanilang mga kawani kasama ang limang miyembro sa immediate family at House media.

Facebook Comments