House Majority Leader, ikinadismaya ang pag-atras ng Senado sa pagsusulong ng amyenda sa mga economic privision sa Konstitusyon

Labis na ikinadismaya ni House Majority Leader Jose Manuel “Mannix” Dalipe ang pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi na interesado ang mga Senador sa pagsusulong ng pag-amyenda sa economic provisions sa ating Saligang Batas.

Giit ni Dalipe, wala ring basehan, walang ebidensya at nakakadiskaril sa collaborative efforts para sa constitutional reforms ang alegasyon na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang nasa likod ng people’s initiative.

Sabi ni Dalipe, lumalabas ngayon na mali ang impormasyong ibinigay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nangako na ng suporta ang Senado para sa constitutional economic reforms na siyang naunang inihayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri.


Ayon kay Dalipe, bukas-palad pang tinanggap ni Speaker Romualdez ang akala nila ay hakbang ng Senado para sa ikabubuti ng mamamayang Pilipino.

Bunsod nito ay ikinalungkot ni Dalipe na loob ng 36 taon ay patuloy na hinaharang ng Senado ang pagsisikap na maamyendahan ang 1987 Constitution na isang pagkakait sa mga Pilipino na mapabuti ang Pilipinas.

Diin ni Dalipe, mahalaga na isantabi ang pagkakaiba o hindi pagkakasundo para maisakatuparan ang isang makabuluhang reporma sa Saligang Batas na tiyak magkakaroon ng positibong epekto sa ating bansa.

Facebook Comments